Monday, September 20, 2010

Para Sa'yo, Badeth

Badeth, alam ko naaalala mo pa 'nung mga bata pa tayo na masaya ang naging samahan nating magpipinsan. Tuwing hapon lumalabas tayo sa bahay natin sa Marikina at naglalaro sa kalye. Patintero, shato, tumbang preso, magaling ka sa halos lahat ng 'yon kasi malakas ka at mabilis. Hinamon mo pa nga ako 'nun ng takbuhan, pero syempre talo ako. Wala naman talagang makakatapat sa bilis mo.

Dahil sa mga bata tayo, sobrang kakulitan natin 'non. Pero ewan ko ba, ikaw yata ang pinakamakulit. Nariyang naumpog ka sa kanto ng binata, nabagsakan ng cabinet. Sabagay lahat naman tayo ay mga kalampahan sa buhay. Lalo na ko na sumemplang sa bike at ilang araw na hindi maibuka ang bibig. Hindi ka naman naging maramot sa mga pagkain mo at laruan, namimigay ka naman at nagpapahiram. Iyun nga lang, minsan 'di naibabalik sa 'yo. Pasensya ka na ha, kung minsan napapaiyak ka namin nung mga bata pa tayo. Pero sana alam mo na naging masaya ako na naging kalaro kita at kasamang lumaki. Naging kumpleto ang pagiging bata ko dahil sa iyo at sa mga pinsan natin. Sana ikaw rin naging masaya sa piling namin 'non.

Alam ko hindi naging madali sa iyo ang buhay. Andaming nangyari na nakapagpalungkot at nakasakit sa iyo. Alam mo naman ang pamilya natin, hindi rin perpekto. Naging maswerte ka pa rin sa nanay mo na kahit may dinaramdam din, ang pusong ina ay hindi tumigil na mahalin ka. Kami rin, minahal ka namin, wala kaming ginusto kundi mapabuti ang lagay mo, na maging mas maging maganda ang buhay mo.

Siguro hanggang sa dumaan ang panahon, hindi pa rin ako makakapaniwala na nawala ka na sa amin. Ang bilis, nakakalito, nakakalungkot. Nung tumawag sila sa kalagayan mo, nag-alala ako pero hindi naman gaano. Kasi sa pamilya natin marami na rin ang nagkasakit, naospital, pero lahat naman ay nakalagpas. Kaya tiwala ako na malalampasan mo 'yan. Kaya ganun na lang ang gulat ko na ti-next sa 'kin na wala ka na. Paano ka mawawala sa amin? Ang bata mo pa, may dalawa ka pang anak, ang lakas mo at napakamasayahin. Pero ganun na nga ang nangyari, nauna ka na sa amin.

Lagi kong maaalala ang inosente mong ngiti. Ang boses mo, ang kabuuan mo. Mananatili ka sa puso ko, ang mga alaala mo, lagi kong iinagatan. Mahal ka naming lahat, lagi ka naming ipagdarasal. Hindi na kami magiging kasing saya ng tulad ng dati kasi wala ka na, hindi na kami magiging kumpleto pa kahit kelan. Kasama ng paglisan mo ang isang bahagi ng puso namin.

Sana ay nasa mas masaya at mapaya ka ng lugar ngayon, kasama si lolo at si Ate Leonora, at iba pa. Hanggang sa muli nating pagkikita, mahal kong pinsan.